Miyerkules, Mayo 25, 2016

Kanino Nakasalalay ang Tagumpay?

Kanino Nakasalalay ang Tagumpay?
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Isang pirma, ilang bilog na marka sa balota at tinta sa daliri, hudyat na muli nating ginamit ang ating karapatan na mamili at magluklok ng isang tao na s’yang magiging pinuno ng ating bayan. Isang pagkakataon na minsan lang maganap. Isang pagkakataon na kailangan pag-isipan dahil isang maling desisyon ay pagdurusahan natin sa susunod na taon. Pero ano nga  ba ang katangian ng isang magaling na leader? Ano nga ba ang dapat niyang taglayin?

Katulad sa paaralan, lalo na tuwing may pangkatang gawain nagluluklok tayo ng isa nating kamag-aral na alam nating may kakayahan, kaalaman at abilidad na mamuno sabi nga natin ang isang leader ang mangunguna (sa ayaw at sa gusto mo)  sa kanyang mga kamiyembro sa mga bagay na kanilang gawin. Tama, ang leader ang siyang nangunguna. Siya ay nagdedesisyon hindi lamang sa kanyang sarili ngunit kasama ng kaniyang mga kamiyembro. Ngunit ang isang leader lamang ba ang may responsibilidad? Hindi ba’t may  malaking responsibilidad din ang kanyang mga kamiyembro?
Kahit kailan ay hindi magtatagumpay ang isang leader kung hindi siya susuportahan ng kanyang mga kamiyembro. Kung hindi siya tutulungan sa mga bagay na kanyang nais matupad. Kung hindi s’ya susundin sa mga bagay na kaniyang inuutos na alam niyang makabubuti sa lahat. At hindi s’ya matatawag na leader kung hindi s’ya pinakikinggan ng kanyang mga kamiyembro.

Sabi nga ni Rosalynn Carter, “A Leader takes people where they want to go. A Great Leader takes people where they don’t want to go, but ought to be.” Minsan kasi nabubulag tayo sa mga bagay (o sa Leader) na hindi natin gusto. Na akala natin hindi iyon ang makabubuti sa atin. Pero hindi natin alam na iyon pala ng tama. Iyon pala talaga ang makabubuti sa atin. Iyon pala ang tamang landas na dapat natin tahakin. Ngunit kailan pa natin malalaman iyon kung ngayon pa lang ay hindi na tayo marunong makinig, hindi tayo marunong sumunod at hindi marunong magpasensya at umunawa. Tandaan sana natin na sa paaralan man o sa buong bansa ang usapin ng pagiging leader, malaking bahagi pa rin ang ginagampanan ng isang indibidwal sa ikatatagumpay ng leader na kanyang pinili (kahit hindi), at kung siya naman ay hindi magtagumpay tiyak na iyon ay atin ding kawalan.

Linggo, Mayo 8, 2016

Pag-agos ng Luha


Pag-agos ng Luha
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

            Sunod-sunod na kalabog ng kabinet ang gumising kay Edna. Pilit niyang iminulat ang hapo n’yang mga mata na ilang oras pa lang na nakapikit. Pagdilat ng kanyang mata ay nakita niyang nakakalat ang kanyang mga damit sa sahig habang ang kanyang ina ay patuloy pa rin sa paghahalughog na tila may hinahanap. Tumayo si Edna sa kanyang higaan at nilapitan ang kanyang ina.
            “Nay! Ano po ba ‘yang ginagawa n’yo?” tanong ni edna na may kahalong inis. ”Nakita mo ba ‘yong kwintas ko? ‘yong perlas na puti, bigay sakin ‘yon ng tatay mo! Kanina ko pa hinahanap pero ‘di ko talaga makita!” mabilis na pagtatanong ni Aling Juana na halatang lubos na nag-aalala.
            Lumingap saglit si Edna upang hanapin ang nawawalang kuwintas ng kanyang ina. Sa isang saglit lang ay nakita na n’ya ito.
            “ Nay! Ayan po ‘yong kwintas n’yo ,o!” sabi ni edna. “ Nasaan?” litong pagtatanong ng kanyang ina. “Ayan po, o! nakasabit sa leeg n’yo!” sabay turo sa kuwintas na nakasabit sa leeg ni Aling Juana. “Pasensya ka na anak, liligpitin ko nalang ang mga kinalat ko”. Napakamot sa ulo si Aling Juana, sa ekspresyon ng kanyang mukha ay halatang napahiya siya. “Sige ho nay, babalik na po ako sa pagkakatulog ko”. Bumalik sa pagtulog si Edna dahil talagang pagod siya sa buong gabing pagtatrabaho.
            Mag-aala-syete na noong bumagon si Edna sa kanyang higaan. Paglabas niya sa kwarto ay tumungo siya sa kusina. Nakita niyang may luto nang pagkain sa lamesa. Lumingap-lingap siya upang hanapin ang kanyang ina ngunit wala ito sa sala na katapat lang ng kusina, naisip niyang baka nasa likod bahay ito at nagdidilig ng halaman. Kumaing mag-isa si Edna maya-maya pa ay nilapitan siya ng kanyang ina.
            “ Anak, ikaw muna ang bahala dito sa bahay ha, gagabihin na ako ng uwi, may faculty meeting pa kami. Isarado mo ‘yong pinto paglabas ko ha. May ulam na d’yan iinit mo nalang” sunod-sunod na paalala ni Aling Juana sa kanyang anak. “Nay, umupo nga po muna kayo” sabi ni Edna. “Naku hindi na anak, ehem,ehem, baka mahuli pa ako, alam mo namang may flag ceremony ngayon, ehem, ehem” paliwanag ni Aling Juana kasabay ng ilang beses na pag-ubo. “Nay, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na sampung taon na po kayong retired??” inis na sagot ni Edna.
            Hindi na nakasagot Aling Juana dahil inatake na siya ng sunod-sunod na ubo. Pinaupo kaagad ni Edna ang kanyang ina at pinainom ng tubig. Kinuha niya ang gamot ni Aling Juana na hinatol ng doktor. Dulot ng katandaan ay marami na ring sakit na iniinda si Aling Juana.
            Hindi na bago kay Edna ang ganitong eksena dahil halos araw-araw itong nangyayari. Araw- araw ay lalong lumalala ang pagiging ulyanin ng kanyang ina. Minsan nga ay dumarating pa sa puntong lumalabas ng kanilang bakuran ang kanyang ina at hindi na nakakabalik nang mag-isa kaya naman buong araw nila itong hinahanap. Dahil dito ay naapektuhan ang kanyang trabaho.
            Si Edna ay nagtatrabaho sa isang call center company, nagtapos siya ng kursong Mass Communication Major in Broad Casting at napasok sa naturang trabaho. Nag-iisang anak lang si Edna at bata pa lang siya ay namatay na ang kanyang ama kaya naman mag-isa siyang pinalaki at itinaguyod ng kanyang ina na isang guro. May edad na rin si Edna ngunit hindi na siya nakapag-asawa, itinuon niya ang  pansin sa kanyang trabaho.
            Kinagabihan ay inihanda na ni Edna ang mga gamit na kanyang dadalin sa trabaho at handa na siyang umalis. “Nay, aalis na po ako ha, hintayin n’yo po si Ka Elena, mayamaya lang po ay nandiyan na s’ya” paalala ni Edna na kasalukuyang nasa tapat na ng pinto. Hindi na sumagot si Aling Juana bagkus ay tumango lang ito, abala kasi siya sa panunuod ng drama sa telebisyon. Tuluyan ng umalis si Edna at paglabas niya ng bakuran ay s’ya namang pagpasok ni Ka Elena.
            Si Ka Elena ang nagbabantay sa ina ni Edna tuwing gabi. Magkapit bahay lang kasi sila at marunong itong mag-alaga ng matanda. Kapag tulog na si  Aling Juana ay umaalis na si Ka Elena. Ngunit ito na ang huling pagbabantay ni Ka Elena sa matanda dahil bukas ng tanghali ay uuwi na ito sa probinsya kasama ang buo niyang pamilya.
            Noong dumating si Edna sa bahay ay alas-tres na ng umaga. Umidlip siya saglit at pagsapit ng alas-singko ay bumangon na ulit ito. Naghanda siya na tila aalis. Ginising niya ang kanyang ina at pinagbihis n’ya rin ito. Matapos iyon ay kinuha niya ang malaking itim na bag na may lamang ilang damit ng kanyang ina at matagal na iyong nakatago sa ilalim ng kanyang kama.
            “Anak, saan tayo pupunta?” tanong ni Aling Juana. Hindi na kumibo pa si Edna bagkus ay nagpatuloy lang siya sa paglalagay ng damit sa malaking bag. “Magbabakasyon ba tayo?” muling tanong ni Aling Juana ngunit wala siyang sagot na narinig. Tanging isang sulyap lang ang ibinato ni Edna.
            Binitbit ni Edna ang malaking bag at inakay niya ang kanyang ina sa paglabas ng bahay. Sumakay sila sa tricycle, sa jeep at sa bus. Pumunta sila sa lugar kung saan ang mga tao ay may mapuputing buhok, kulubot ang balat at malapit nang lubugan ng araw. Maya-maya pa ay lumapit sa kanila ang isang babae na namamahala sa institusyon na iyon.
            “Magandang araw po! ano pong kailangan nila?” bati ng babae. “Kayo po ba si Ma’am Bernadeth?” tanong ni Edna. “ Ako nga po, ano po ba ang maipaglilingkod ko?” tugon ni Ma’am Bernadeth. “ Ako po si Edna, ‘yong tumawag po sa inyo kagabi!” paliwanag niya. “A, oo, natatandaan ko, ito ba ang iyong ina?” tanong ni Ma’am Bernadeth sabay turo sa matandang katabi ni Edna. “ Opo, siya nga po! dito ko po muna s’ya  ipagkakatiwala sa inyo”. “Anak! Iiwan mo na ba ako dito?” gulat na tanong ni Aling Juana. “ Nay, sana naman po maunawaan n’yo ako, para sa inyo rin po itong gagawin ko, hindi ko na po kasi kayang pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pag-aalaga sa inyo!” sabay hawak sa mga kamay ng kanyang ina. “Hindi na ako, magiging pabigat anak, huwag mo lang akong iwan dito” garalgal na wika ni Aling Juana kasabay nito ay ang pagpatak ng luha ni Edna. Pikit mata niyang binitawan ang kamay ng kanyang ina at iniabot ang bag kay Ma’am Bernadeth. Kasunod noon ay tumalikod na si Edna at nagpatuloy sa paglalakad palayo.
            Mabilis na lumipas ang mga araw, naging abala si Edna sa pagtatrabaho. Dahil dito ay na-promote siya na matagal na niyang pinangarap. Ilang buwan na noong iniwan ni Edna ang kanyang ina. At ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon  na dalawin ito.
            Nagtungo si Edna sa institusyon kung saan n’ya iniwan ang kanyang ina. Sinalubong kaagad s’ya ni Ma’am Bernadeth at itinuro ang kinaroonan ng kanyang ina. Malayo pa lang ay nakita na nya ang kanyang ina na nakaupo sa isang tumbatumba at kakwentuhan ang isang matanda. Hindi pa siya lubusang nakalalapit ay narinig na n’ya ang pinag-uusapan ng dalawang matanda, hindi siya pansin sapagkat nakatalikod ang mga ito. Unti-unting tumulo ang luha ni Edna at tila nadurong ang kanyang puso sa kanyang mga narinig. Ang mga katagang iyon ay hindi n’ya inaasahang maririnig sa mula kanyang ina. Patuloy ang pag-agos ng luha ni Edna, imbis na puntahan ang kanyang ina ay nagtungo siya sa opisina ni Ma’am Bernadeth.
            “Edna, tatapatin na kita, lalong lumalala ang kondisyon ng iyong ina. Kung iuuwi mo s’ya ay lalo kang mahihirapan sa pag-aalaga” paliwanag ni Ma’am Bernadeth. “Hindi na po mahalaga ‘yon ang importante po ay maiuwi ko ang aking ina”. Noon ding araw na iyon ay iniuwi ni Edna ang kanyang ina. Hindi na siya nagdalawang isip pa. Pagdating sa bahay ay tumawag kaagad siya sa opisina, sinabi niya na magli-live muna siya ng isang buwan.
            Pinagsilbihan n’ya ng kanyang ina sa abot ng kanyang makakaya, gaya nang pag-aalaga sa kanya nito noong bata pa siya. Lalong naging makulit ang kanyang ina ngunit pinagpasensyahan niya ito gaya ng pagpapasensya sa kanya ng kanyang ina noong siya ay musmos pa. Kahit nagiging palasigaw ito ay wala siyang hinanakit na itinago dahil alam niyang naging ganoon rin siya noong kabataan n’ya. Ang oras, araw at lingo ay madaling lumipas at maging ang  paghina ng kanyang ina.
            “Edna” mahinang tawag ng kanyang ina na kasalukuyang nakahiga sa kama. “Bakit po” sagot ni Edna. “Dumating na ng araw, anak! Patawarin mo ako kung may naging pagkukulang kami ng tatay mo” mahinang sabi ni Aling Juana. Unti-unti nang tumulo ang luha ni Edna alam n’yang ito na ang oras na para sa iba ay huwag na sanang dumating. “ Patawarin n’yo rin po ako nay, kung hindi po ako naging mabuting anak” sabay hawak sa kamay ng kanyang ina. “Patawarin n’yo po ako kung hindi ko po kayo napagsilbihan ng husto”. Naramdaman ni Edna na hinimas ng kanyang ina ng kanyang ulo at pagtingin niya rito ay sinuklian lamang siya ng isang tuyot na ngiti. Sa puntong iyon ay isinara na ni Aling Juana ang kanyang mga mata. Patuloy  pa rin sa pagiyak si Edna at sumagi sa kanyang isipan ang mga katagang kanyang narinig sa kanyang ina noong dalawin n’ya ito.
            “ Hindi s’ya sa akin nagmula. Hindi sa aking sinapupunan. Hindi kailan man, ngunit binihisan ko siya, inalagaan, pinag-aral at minahal na parang tunay kong anak”.