Pag-agos
ng Luha
Ni:
Louie Ace Bulaong – Manalad
Sunod-sunod na kalabog ng kabinet ang
gumising kay Edna. Pilit niyang iminulat ang hapo n’yang mga mata na ilang oras
pa lang na nakapikit. Pagdilat ng kanyang mata ay nakita niyang nakakalat ang
kanyang mga damit sa sahig habang ang kanyang ina ay patuloy pa rin sa
paghahalughog na tila may hinahanap. Tumayo si Edna sa kanyang higaan at
nilapitan ang kanyang ina.
“Nay! Ano po ba ‘yang ginagawa
n’yo?” tanong ni edna na may kahalong inis. ”Nakita mo ba ‘yong kwintas ko? ‘yong
perlas na puti, bigay sakin ‘yon ng tatay mo! Kanina ko pa hinahanap pero ‘di ko
talaga makita!” mabilis na pagtatanong ni Aling Juana na halatang lubos na
nag-aalala.
Lumingap saglit si Edna upang
hanapin ang nawawalang kuwintas ng kanyang ina. Sa isang saglit lang ay nakita
na n’ya ito.
“ Nay! Ayan po ‘yong kwintas n’yo
,o!” sabi ni edna. “ Nasaan?” litong pagtatanong ng kanyang ina. “Ayan po, o!
nakasabit sa leeg n’yo!” sabay turo sa kuwintas na nakasabit sa leeg ni Aling
Juana. “Pasensya ka na anak, liligpitin ko nalang ang mga kinalat ko”.
Napakamot sa ulo si Aling Juana, sa ekspresyon ng kanyang mukha ay halatang
napahiya siya. “Sige ho nay, babalik na po ako sa pagkakatulog ko”. Bumalik sa
pagtulog si Edna dahil talagang pagod siya sa buong gabing pagtatrabaho.
Mag-aala-syete na noong bumagon si
Edna sa kanyang higaan. Paglabas niya sa kwarto ay tumungo siya sa kusina.
Nakita niyang may luto nang pagkain sa lamesa. Lumingap-lingap siya upang
hanapin ang kanyang ina ngunit wala ito sa sala na katapat lang ng kusina,
naisip niyang baka nasa likod bahay ito at nagdidilig ng halaman. Kumaing mag-isa
si Edna maya-maya pa ay nilapitan siya ng kanyang ina.
“ Anak, ikaw muna ang bahala dito sa
bahay ha, gagabihin na ako ng uwi, may faculty meeting pa kami. Isarado mo
‘yong pinto paglabas ko ha. May ulam na d’yan iinit mo nalang” sunod-sunod na
paalala ni Aling Juana sa kanyang anak. “Nay, umupo nga po muna kayo” sabi ni
Edna. “Naku hindi na anak, ehem,ehem, baka mahuli pa ako, alam mo namang may
flag ceremony ngayon, ehem, ehem” paliwanag ni Aling Juana kasabay ng ilang
beses na pag-ubo. “Nay, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na sampung
taon na po kayong retired??” inis na sagot ni Edna.
Hindi na nakasagot Aling Juana dahil
inatake na siya ng sunod-sunod na ubo. Pinaupo kaagad ni Edna ang kanyang ina
at pinainom ng tubig. Kinuha niya ang gamot ni Aling Juana na hinatol ng
doktor. Dulot ng katandaan ay marami na ring sakit na iniinda si Aling Juana.
Hindi na bago kay Edna ang ganitong
eksena dahil halos araw-araw itong nangyayari. Araw- araw ay lalong lumalala
ang pagiging ulyanin ng kanyang ina. Minsan nga ay dumarating pa sa puntong
lumalabas ng kanilang bakuran ang kanyang ina at hindi na nakakabalik nang
mag-isa kaya naman buong araw nila itong hinahanap. Dahil dito ay naapektuhan
ang kanyang trabaho.
Si Edna ay nagtatrabaho sa isang
call center company, nagtapos siya ng kursong Mass Communication Major in Broad
Casting at napasok sa naturang trabaho. Nag-iisang anak lang si Edna at bata pa
lang siya ay namatay na ang kanyang ama kaya naman mag-isa siyang pinalaki at
itinaguyod ng kanyang ina na isang guro. May edad na rin si Edna ngunit hindi
na siya nakapag-asawa, itinuon niya ang pansin sa kanyang trabaho.
Kinagabihan ay inihanda na ni Edna
ang mga gamit na kanyang dadalin sa trabaho at handa na siyang umalis. “Nay,
aalis na po ako ha, hintayin n’yo po si Ka Elena, mayamaya lang po ay nandiyan
na s’ya” paalala ni Edna na kasalukuyang nasa tapat na ng pinto. Hindi na
sumagot si Aling Juana bagkus ay tumango lang ito, abala kasi siya sa panunuod
ng drama sa telebisyon. Tuluyan ng umalis si Edna at paglabas niya ng bakuran
ay s’ya namang pagpasok ni Ka Elena.
Si Ka Elena ang nagbabantay sa ina
ni Edna tuwing gabi. Magkapit bahay lang kasi sila at marunong itong mag-alaga
ng matanda. Kapag tulog na si Aling
Juana ay umaalis na si Ka Elena. Ngunit ito na ang huling pagbabantay ni Ka
Elena sa matanda dahil bukas ng tanghali ay uuwi na ito sa probinsya kasama ang
buo niyang pamilya.
Noong dumating si Edna sa bahay ay
alas-tres na ng umaga. Umidlip siya saglit at pagsapit ng alas-singko ay
bumangon na ulit ito. Naghanda siya na tila aalis. Ginising niya ang kanyang
ina at pinagbihis n’ya rin ito. Matapos iyon ay kinuha niya ang malaking itim
na bag na may lamang ilang damit ng kanyang ina at matagal na iyong nakatago sa
ilalim ng kanyang kama.
“Anak, saan tayo pupunta?” tanong ni
Aling Juana. Hindi na kumibo pa si Edna bagkus ay nagpatuloy lang siya sa
paglalagay ng damit sa malaking bag. “Magbabakasyon ba tayo?” muling tanong ni
Aling Juana ngunit wala siyang sagot na narinig. Tanging isang sulyap lang ang
ibinato ni Edna.
Binitbit ni Edna ang malaking bag at
inakay niya ang kanyang ina sa paglabas ng bahay. Sumakay sila sa tricycle, sa
jeep at sa bus. Pumunta sila sa lugar kung saan ang mga tao ay may mapuputing
buhok, kulubot ang balat at malapit nang lubugan ng araw. Maya-maya pa ay
lumapit sa kanila ang isang babae na namamahala sa institusyon na iyon.
“Magandang araw po! ano pong
kailangan nila?” bati ng babae. “Kayo po ba si Ma’am Bernadeth?” tanong ni Edna.
“ Ako nga po, ano po ba ang maipaglilingkod ko?” tugon ni Ma’am Bernadeth. “
Ako po si Edna, ‘yong tumawag po sa inyo kagabi!” paliwanag niya. “A, oo, natatandaan
ko, ito ba ang iyong ina?” tanong ni Ma’am Bernadeth sabay turo sa matandang
katabi ni Edna. “ Opo, siya nga po! dito ko po muna s’ya ipagkakatiwala sa inyo”. “Anak! Iiwan mo na
ba ako dito?” gulat na tanong ni Aling Juana. “ Nay, sana naman po maunawaan
n’yo ako, para sa inyo rin po itong gagawin ko, hindi ko na po kasi kayang
pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pag-aalaga sa inyo!” sabay hawak sa mga
kamay ng kanyang ina. “Hindi na ako, magiging pabigat anak, huwag mo lang akong
iwan dito” garalgal na wika ni Aling Juana kasabay nito ay ang pagpatak ng luha
ni Edna. Pikit mata niyang binitawan ang kamay ng kanyang ina at iniabot ang
bag kay Ma’am Bernadeth. Kasunod noon ay tumalikod na si Edna at nagpatuloy sa
paglalakad palayo.
Mabilis na lumipas ang mga araw,
naging abala si Edna sa pagtatrabaho. Dahil dito ay na-promote siya na matagal
na niyang pinangarap. Ilang buwan na noong iniwan ni Edna ang kanyang ina. At
ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon
na dalawin ito.
Nagtungo si Edna sa institusyon kung
saan n’ya iniwan ang kanyang ina. Sinalubong kaagad s’ya ni Ma’am Bernadeth at
itinuro ang kinaroonan ng kanyang ina. Malayo pa lang ay nakita na nya ang
kanyang ina na nakaupo sa isang tumbatumba at kakwentuhan ang isang matanda.
Hindi pa siya lubusang nakalalapit ay narinig na n’ya ang pinag-uusapan ng
dalawang matanda, hindi siya pansin sapagkat nakatalikod ang mga ito.
Unti-unting tumulo ang luha ni Edna at tila nadurong ang kanyang puso sa
kanyang mga narinig. Ang mga katagang iyon ay hindi n’ya inaasahang maririnig
sa mula kanyang ina. Patuloy ang pag-agos ng luha ni Edna, imbis na puntahan
ang kanyang ina ay nagtungo siya sa opisina ni Ma’am Bernadeth.
“Edna, tatapatin na kita, lalong
lumalala ang kondisyon ng iyong ina. Kung iuuwi mo s’ya ay lalo kang
mahihirapan sa pag-aalaga” paliwanag ni Ma’am Bernadeth. “Hindi na po mahalaga
‘yon ang importante po ay maiuwi ko ang aking ina”. Noon ding araw na iyon ay
iniuwi ni Edna ang kanyang ina. Hindi na siya nagdalawang isip pa. Pagdating sa
bahay ay tumawag kaagad siya sa opisina, sinabi niya na magli-live muna siya ng
isang buwan.
Pinagsilbihan n’ya ng kanyang ina sa
abot ng kanyang makakaya, gaya nang pag-aalaga sa kanya nito noong bata pa
siya. Lalong naging makulit ang kanyang ina ngunit pinagpasensyahan niya ito gaya
ng pagpapasensya sa kanya ng kanyang ina noong siya ay musmos pa. Kahit
nagiging palasigaw ito ay wala siyang hinanakit na itinago dahil alam niyang
naging ganoon rin siya noong kabataan n’ya. Ang oras, araw at lingo ay madaling
lumipas at maging ang paghina ng kanyang
ina.
“Edna” mahinang tawag ng kanyang ina
na kasalukuyang nakahiga sa kama. “Bakit po” sagot ni Edna. “Dumating na ng
araw, anak! Patawarin mo ako kung may naging pagkukulang kami ng tatay mo”
mahinang sabi ni Aling Juana. Unti-unti nang tumulo ang luha ni Edna alam n’yang
ito na ang oras na para sa iba ay huwag na sanang dumating. “ Patawarin n’yo
rin po ako nay, kung hindi po ako naging mabuting anak” sabay hawak sa kamay ng
kanyang ina. “Patawarin n’yo po ako kung hindi ko po kayo napagsilbihan ng
husto”. Naramdaman ni Edna na hinimas ng kanyang ina ng kanyang ulo at
pagtingin niya rito ay sinuklian lamang siya ng isang tuyot na ngiti. Sa
puntong iyon ay isinara na ni Aling Juana ang kanyang mga mata. Patuloy pa rin sa pagiyak si Edna at sumagi sa
kanyang isipan ang mga katagang kanyang narinig sa kanyang ina noong dalawin
n’ya ito.
“ Hindi s’ya sa akin nagmula. Hindi
sa aking sinapupunan. Hindi kailan man, ngunit binihisan ko siya, inalagaan,
pinag-aral at minahal na parang tunay kong anak”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento