Miyerkules, Agosto 30, 2017

Wikang Daynamiko



Wikang Daynamiko
Ni: G. Louie Ace B. Manalad, LPT.

Ninuno’y gumamit ng labing-apat na katinig
Baybayin kung tawagin na may kasamang tatlong pantig
Ngunit nag-iba paglipas ng panahon,
Pagka’t wika’y daynamiko, umuunlad, nagbabago

Pagdaong ni Magellan, kristianismo’y tangan-tangan
Biblia ay kinasangkapan upang lupain ay makamkam
Pananalita ay nabago, ipinakilala ang abecedario
Relihiyon ang pinapaksa, tahanan ma’t paaralan

Panahon ng Himagsikan, umusbong ang Panitikan
Sanaysay, Tula, akdang hitik sa damdaming makabayan
Ingles ang naging panturo, pagdating ng mga Kano
Kultura nilang kanluranin, niyakap nating buong-buo

Nang tayo’y makalaya sa mananakop na banyaga
Unti-unting bumangon, nagbalik-tanaw sa’ting wika
“Wikang Pagkakakilalan”, sa Pinas ay kinakailangan
Kaya’t “Ama ng Wikang Pambansa” naglabas ng kautusan

Tagalog ang s’yang hinirang na Wikang Batayan
Pinagyabong, pinagyaman, Wikang Filipino’y isinilang
Dalubwika’y nagpulong, muling nagkaro’n ng rebisyon
Nagdagdag, nanghiram, Alpabeto’y pinaunlad

Ang tao’y matalino, ang panaho’y nagbabago
Kinikilala iba’t ibang kultura, wikang banyaga’y kinakabisa
Kaya’t Buwan ng Wikang Pambansa ating pinagdiriwang

Upang sa modernong panahon Wikang Filipino’y ‘di malimutan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento