Pundasyon
Ni: G. Louie Ace B. Manalad
Isa
lang siyang ordinaryong mag-aaral. Hindi masyadong matalino ngunit masipag
siyang mag-aral, kaya’t hindi nakapagtatakang kabilang siya sa mga nangunguna
sa klase. Isa siya sa mga batang hindi ko makalilimutan.
Ikatlong markahan na noong
ipinasulat ko sa kanila sa kanilang kwaderno kung ano ang mithiin at pangarap
nila sa buhay, bilang takdang aralin. Tamang-tama lang na mapag-usapan namin
ang paksa na ito sapagkat ilang buwan na lamang ay magsisipagtapos na sila at
haharapin ang mundo kung saan isa-isa na nilang tutuparin ang kanilang mga
pangarap.
“Gusto
ko pong maging inhinyero kagaya ng tatay ko.” Sagot ni Denis.
“Ako
naman po Sir gusto ko pang maging Nars at magtrabaho sa ibang bansa.” Ang sabi
ni Angela.
“Gusto
ko pong maging isang artista.” Nakangising sagot ni Andrei at saka kumindat.
Kaya naman nagkatuwaan sa loob ng klase.
Halos lahat ay nagtaas ng
kamay at sinabi ang kanilang pangarap sa buhay. Ngunit si Carlo ay nakatitig
lang sa akin, hindi s’ya nagtaas ng kamay. Maaring hindi pa niya alam ang kung
anong kursong kukunin sa kolehiyo o kaya’y nahihiya lang na basahin ang ginawa
niyang takdang aralin.
“Mabuti
naman at bawat isa sa inyo ay may pangarap na nais matupad. Ang ninanais ko
lang ay sana matupad lahat ng iyong pangarap. Upang sa gayon ay matuwa ang
inyong mga magulang at magbunga ang kanilang pinaghirapan, ilang taon na
lang mula ngayon.”
“O
s’ya, ipasa niyo ang inyong mga kwaderno at maari na kayong lumabas upang
makapasok kayo sa iyong susunod na klase.”
Huli s’yang tumayo upang
lumabas sa silid ngunit bago iyon ay napansin ko, habang nagbubura ng pisara,
na inilagay niya ang kanyang kwaderno sa bandang gitna ng mga nakasalansang kwaderno
ng kanyang mga kamag-aral. Naisip kong baka nga nahihiya siyang ipakita ang
kanyang takdang-aralin.
Napasin kong naging matamlay siya
nitong mga nakaraang araw. Palagi lang
siyang tahimik. Tuwing nagkaklase kami ay nakatingin lamang siya sa malayo na
tila ba nangangarap o di kaya’y may malalim na iniisip. May mga kaibigan naman
siya ngunit hindi s’ya ganoon kadaldal sa harap ng mga ito. Naalala ko tuloy
noong minsang hindi s’ya gumawa ng takdang aralin, siguro nga ay hindi pa s’ya
sigurado kung ano ang kanyang nais pagdating sa kolehiyo. Ganoon pa man hindi
naman ito nakaapekto sa kanyang marka. Hindi mababang-mababa at hindi rin naman
ubod ng taas.
Tapos na ang ikatlong markahan ang
bawat mag-aaral na magsisipagtapos ay pawang nananabik na umakyat sa entablado
upang tanggapin ang kanilang mga diploma. Parang hinahatak nalang ang bawat araw na lumilipas. Unti-unti ko nang naririnig ang tugtog sa
pagmartsa. Ngunit ilang araw nang hindi pumapasok si Carlo. Ang isang araw na
pagliban ay naging dalawa, maaaring masama lamang ang kanyang pakiramdam, sabi
ko sa aking sarili. Ngunit umabot ang kanyang paglibang ng isang linggo. Nakaramdamdam
ako ng pangamba, pakiramdam ko ay mayroon siyang bagay na hindi sinasabi
nagpasya akong tawagan siya sa tulong ng aming Guidance counsellor sabi raw ng
mga magulang ito ay tinatamad lang pumasok at ayaw mag-ensayo para sa graduation.
Tumango na lang ako, hindi ko maisip na may
isang bata na hindi nananabik sa nalalapit nilang pagtatapos. Naalala ko
pa noong ako ay malapit nang magtapos sa sekundarya, kahit isang beses ay hindi
ako lumiban sa aming mga pag-eensayo kahit na paulit-ulit lang na pagpanik
panaog sa entabladong kahoy na uuga-uga ang aming ginagawa. Hanggang pag-uwi ay
patuloy paring tumutugtog sa aking isipan ang tunog kapag kami ay nagmamartsa.
Sumapit ang lunes. Nakita ko siyang
nakapila at handa nang magmartsa para sa pag-eensayo. Ganoon pa rin, matamlay .
Hindi ko na iyon pinansin ang mahalaga ay makapag-eensayo na siya at hindi
mahuhuli sa kanyag mga kaklase.
Pagkatapos ng ensayo ay pinatawag ko
siya sa faculty, lahat kasi ng mga kaklase niya ay nakausap ko na tungkol sa
kanilang grado at kung saan sila mag-aaral ng kolehiyo.
“Magandang
Hapon po Sir pinapatawag niyo raw po ako?”
“Oo,
maupo ka.”
“Lahat
ng kaklase mo ay nakausap ko na tungkol sa kanilang mga grado. Sa katunayan ay
ayos naman ang lahat ng grado mo sa katunayan nga ay kasama ka sa top 10 at may
matatanggap kang medalya.”
Pinagmasdan ko ang kanyang
reaksyon. Wala. Wala akong makitang bahid ng kasiyahan. Kung ikukumpara ko sa
mga kaklase niya, mas natuwa pa ‘yong nakakuha ng pasang-awa at nalamang
ga-graduate siya.
“Siguradong
matutuwa ang mga magulang mo kapag nalaman nila ang magandang balita.”
Hindi pa rin siya kumibo, nakayuko
at naghihintay lang ng aking sasabihin.
“S’ya
nga pala, ano ba ang kukunin mong kurso at saan ka magkokolehiyo?”
Tumingin lang siya sa akin at
umiling.
“Anong
ibig mong sabihin? Hindi ka na magkokolehiyo?” Imposible, sabi ko sa aking
sarili, may kaya silang pamilya ang mga magulang niya ay kapwa mga nurse.
Kayang-kaya siyang ipadala sa ano mang paaralan na naisin niya.
“Hindi
ko pa po kasi alam kung ano ang kukunin ko sa kolehiyo. Gusto po kasi ng mga
magulang ko na nag-nurse din ako, pero... hindi ko po kasi gusto ‘yon kaya
hanggang ngayon hindi pa rin po ako nakapagdedesisyon. Sabi pa nga po ni Daddy
na kapag daw po hindi ko sila sinunod ay bahala na raw po akong mag-paaral sa
sarili ko.”
Hindi ako makapagsalita. Habang siya
ay nakukwento at isa-isang bumabalik sa aking alaala ang mga panahong nakita ko
siyang matamlay. Walang kibo. Walang imik. Iyon pala ang dahilan.
“Carlo,
minsan talagang dumarating sa buhay natin ang mga pagsubok. Titignan lang ng
diyos kung gaano tayo katatag. Kung hanggang saan natin kayang sumugal para sa
ating pangarap. At kung paanong pagdedesiyon ang ating gagawin. Kung ano man
ang piliin mo, ang utos ng iyong mga magulang o ang iyong desisyon, siguraduhin
mo na lang na sa bandang huli ay hindi mo ito pasisisihan.”
Hindi na s’ya kumibo at waring
pinag-iisipan ang aking mga sinabi.
“O,
s’ya puwede ka nang umuwi.”
Tumayo siya at binitbit ang kanyang
bag na nilapag niya sa sahig. Inayos ko na ang mga gamit ko upang makaalis na
rin. Ngunit..
“Sir.”
Hindi pa rin pala siya lumalabas.
“Hindi
po ba kayo nagsisisi na naging titser lang kayo?” seryoso niyang tanong.
“Bakit
mo naman naitanong ‘yan?”
“Naalala
ko lang po kasi noong pinanuod natin ang pelikulang MILA, sa kabila ng pagiging
titser ni Mila ay dumarating sa puntong iiwan rin sila ng mga batang matiyaga
nilang tinuruan.”
Ngumiti ako. Matalino nga siyang
bata. Natatandaan niya ng bawat leksyon na aming tinatalakay sa klase. Ganoon
pa man talagang seryoso ang kanyang tanong.
“
Umiikot ang mundo Carlo. May nawawala, may dumarating. Walang permanenteng
bagay sa mundo lahat nagbabago. Ganoon pa man, kahit kailan hindi ko
pinagsisihan ang pagiging titser.”
Hindi pa rin siya kumbinsido sa
sagot ko, alam kong may kasagutan pa siyang hinihintay.
“Hindi
lang kasi ako basta isang titser. Isa akong matibay na pundasyon na kung hindi
dahil sa akin ay hindi nila magagawang tuntungan ang hagdanan patungo sa
kanilang pangarap. At isa pa’y, natuto na kasi akong makuntento. Masaya na
akong makita ng mga batang minsang dumaan sa aking buhay. May Engineer, Doktor,
Architect at iba pang propesyon na talaga na mang tinitingala sa ating lipunan.
Na kung tutuusin nga ay mas malalaki pa ang sahod sa akin. Dahil doon ay naging
masaya na ako na parang isang magulang, iyon siguro ang dahilan kung bakit kami
tinaguriang pangalawang ama at ina, dahil nararamdaman din namin ang
sakripisyon ng isang magulang.”
Pinakinggan niya akong mabuti, bawat
salitang aking binibitawan ay tila ba inililista niya sa kanyang isipan.
Nakatitig lamang siya mata sa mata. At pagkatapos ay nagpasalamat.
Kalat na ang mga nagbebenta ng
kuwintas na bulaklak sa tapat ng aming paaralan. Unti-unti na ring
nagdaratingan ang mga magulang at ang mga magsisipagtapos. Pagsapit ng ikawalo
ay tumugtog na ang kanta sa pagmartsa hudyat na simula na ng seremonya para sa
pagtatapos. Matapos ang unang bahagi ng seremonya ay tinawag na ang guest
speaker na dating nagtapos sa aming paaralan at ngayon ay isa ng politiko na
siyang nagpatayo ng ilang silid sa aming paaralan, na makalipas ang isang taon
ay may lamat at bitak na ang mga pader. Tinawag na ang bawat mag-aaral upang
tanggapin ang kanilang mga diploma. Maging ang mga may natatanging parangal
bawat isa ay todo kung makangiti sa kamera tuwing aakyat sa entablado. Hindi
gaya ng iba, tahimik lang si Carlo ngumiti lang siya saglit matapos siyang
sabitan ng medalya ng kanyang ina.
Matapos magbigay ng talumpati ang Valedictorian ay lahat ay nag-iiyakan
maging ang mga magulang. Matiwasay na
natapos ang seremonya. Ilang hakbang na lang ay nasa kolehiyo na sila. Maaaring
sa pagkuha nila ng kanilang mga class card ay huling pagkikita na naming. Kung
makasalubong mo man ay masuwerte na kung batiin ka.
Mabilis na lumipas ang panahon.
Halos taon-taon parami nang parami ang mga batang pumapasok at nagsisipagtapos
sa aming paaralan. Hindi na mabilang na mag-aaral ang dumaan sa akin. Hindi na
mabilang na kuwento at karanasan ang ibinahagi ko sa aking mga naging
mag-aaral. Ngayon, pasukan na naman, mga bagong bata na naman ang aming
haharapin. Isang ordinaryong araw lang sa akin ang unang araw ng pasukan.
Malayo pa lang ako ay kita ko na sa gate
ang mga magulang na kasakasama ang kanilang mga anak para sa orientation.
“Sir!”
isang lalaki ang tumawag sa akin na nakatayo sa gate ng paaralan. Kinawayan
niya ako. Pero hindi ko siya makilala.
“Sir,
si Carlo po ito.” Hindi kaagad ako makapaniwala. Napakalaki ng pingabago niya.
Tumangkad siya, iba na rin ang kanyang gupit. Talagang malayo na sa dati.
“Oo
nga Carlo, hindi kita kaagad nakilala napakalaki na ng pinagbago mo.”
“Syempre
naman po Sir ang tagal din ho nating hindi nagkita.”
Iyon ang pinakamalaking pinagbago niya, naging masayahin na siya.
Hindi katulad ng asal niya noon.
“E,
Ano ba’t naparito ka?” Hindi siya sumagot ngumiti lang siya sa akin. At
napansin kong pareho kami ng uniporme. Hindi pa rin ako makapaniwala.
“Titser
ka na rin?”
“Opo
Sir, kahit mahirap ang pinagdaanan ko sa kolehiyo, at sinuway ko ang utos ng
aking mga magulang. Pinilit kong makatapos ng pag-aaral. Gusto ko rin po kasing
maramdaman yung pagiging kontento na nararamdaman niyo ngayon. ‘Yung pagiging
masaya niyo tuwing nakikita niyong nagtatapos ng mga batang inyong tinuturuan.
At higit sa lahat ay gusto ko pong maging proud sa sarili ko na hindi lang ako
basta isang titse, na maging isang matibay na pondasyon na kung hindi dahil sa
akin ay hindi magkakaroon ng iba pang tinitingalang propesyon sa ating lipunan.
Hindi man po ako naging katulad ng iba kong mga kaklase sana po naging proud
kayo sa sakin.”
Pumatak ang luha ko nang hindi
namamalayan. Ang buong buhay ko sa pagiging titser ay nasuklian na. Oo, mahirap
ang maging titser akala ko ang makakita ng isang dati kong mag-aaral na
nagtagumpay ay ang pinakamasayang bahagi na ng aking buhay. Ngunit ang
makaimpluwensya pala ng isang mag-aaral na maging isang titser ang pinakamasaya
sa lahat.
Iniabot ko ang aking kanang kamay at
tinapik ang kanyang balikat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento