Miyerkules, Agosto 30, 2017

Wikang Daynamiko



Wikang Daynamiko
Ni: G. Louie Ace B. Manalad, LPT.

Ninuno’y gumamit ng labing-apat na katinig
Baybayin kung tawagin na may kasamang tatlong pantig
Ngunit nag-iba paglipas ng panahon,
Pagka’t wika’y daynamiko, umuunlad, nagbabago

Pagdaong ni Magellan, kristianismo’y tangan-tangan
Biblia ay kinasangkapan upang lupain ay makamkam
Pananalita ay nabago, ipinakilala ang abecedario
Relihiyon ang pinapaksa, tahanan ma’t paaralan

Panahon ng Himagsikan, umusbong ang Panitikan
Sanaysay, Tula, akdang hitik sa damdaming makabayan
Ingles ang naging panturo, pagdating ng mga Kano
Kultura nilang kanluranin, niyakap nating buong-buo

Nang tayo’y makalaya sa mananakop na banyaga
Unti-unting bumangon, nagbalik-tanaw sa’ting wika
“Wikang Pagkakakilalan”, sa Pinas ay kinakailangan
Kaya’t “Ama ng Wikang Pambansa” naglabas ng kautusan

Tagalog ang s’yang hinirang na Wikang Batayan
Pinagyabong, pinagyaman, Wikang Filipino’y isinilang
Dalubwika’y nagpulong, muling nagkaro’n ng rebisyon
Nagdagdag, nanghiram, Alpabeto’y pinaunlad

Ang tao’y matalino, ang panaho’y nagbabago
Kinikilala iba’t ibang kultura, wikang banyaga’y kinakabisa
Kaya’t Buwan ng Wikang Pambansa ating pinagdiriwang

Upang sa modernong panahon Wikang Filipino’y ‘di malimutan

Sabado, Abril 15, 2017

Pundasyon


Pundasyon
Ni: G. Louie Ace B. Manalad

Isa lang siyang ordinaryong mag-aaral. Hindi masyadong matalino ngunit masipag siyang mag-aral, kaya’t hindi nakapagtatakang kabilang siya sa mga nangunguna sa klase. Isa siya sa mga batang hindi ko makalilimutan.

Ikatlong markahan na noong ipinasulat ko sa kanila sa kanilang kwaderno kung ano ang mithiin at pangarap nila sa buhay, bilang takdang aralin. Tamang-tama lang na mapag-usapan namin ang paksa na ito sapagkat ilang buwan na lamang ay magsisipagtapos na sila at haharapin ang mundo kung saan isa-isa na nilang tutuparin ang kanilang mga pangarap.

“Gusto ko pong maging inhinyero kagaya ng tatay ko.” Sagot ni Denis.

“Ako naman po Sir gusto ko pang maging Nars at magtrabaho sa ibang bansa.” Ang sabi ni Angela.

“Gusto ko pong maging isang artista.” Nakangising sagot ni Andrei at saka kumindat. Kaya naman nagkatuwaan sa loob ng klase.

Halos lahat ay nagtaas ng kamay at sinabi ang kanilang pangarap sa buhay. Ngunit si Carlo ay nakatitig lang sa akin, hindi s’ya nagtaas ng kamay. Maaring hindi pa niya alam ang kung anong kursong kukunin sa kolehiyo o kaya’y nahihiya lang na basahin ang ginawa niyang takdang aralin.

“Mabuti naman at bawat isa sa inyo ay may pangarap na nais matupad. Ang ninanais ko lang ay sana matupad lahat ng iyong pangarap. Upang sa gayon ay matuwa ang inyong mga magulang at magbunga ang kanilang pinaghirapan, ilang taon na lang  mula ngayon.”

“O s’ya, ipasa niyo ang inyong mga kwaderno at maari na kayong lumabas upang makapasok kayo sa iyong susunod na klase.”

Huli s’yang tumayo upang lumabas sa silid ngunit bago iyon ay napansin ko, habang nagbubura ng pisara, na inilagay niya ang kanyang kwaderno sa bandang gitna ng mga nakasalansang kwaderno ng kanyang mga kamag-aral. Naisip kong baka nga nahihiya siyang ipakita ang kanyang takdang-aralin.

            Napasin kong naging matamlay siya nitong mga nakaraang  araw. Palagi lang siyang tahimik. Tuwing nagkaklase kami ay nakatingin lamang siya sa malayo na tila ba nangangarap o di kaya’y may malalim na iniisip. May mga kaibigan naman siya ngunit hindi s’ya ganoon kadaldal sa harap ng mga ito. Naalala ko tuloy noong minsang hindi s’ya gumawa ng takdang aralin, siguro nga ay hindi pa s’ya sigurado kung ano ang kanyang nais pagdating sa kolehiyo. Ganoon pa man hindi naman ito nakaapekto sa kanyang marka. Hindi mababang-mababa at hindi rin naman ubod ng taas.

            Tapos na ang ikatlong markahan ang bawat mag-aaral na magsisipagtapos ay pawang nananabik na umakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang mga diploma. Parang hinahatak nalang ang bawat  araw na lumilipas.  Unti-unti ko nang naririnig ang tugtog sa pagmartsa. Ngunit ilang araw nang hindi pumapasok si Carlo. Ang isang araw na pagliban ay naging dalawa, maaaring masama lamang ang kanyang pakiramdam, sabi ko sa aking sarili. Ngunit umabot ang kanyang paglibang ng isang linggo. Nakaramdamdam ako ng pangamba, pakiramdam ko ay mayroon siyang bagay na hindi sinasabi nagpasya akong tawagan siya sa tulong ng aming Guidance counsellor sabi raw ng mga magulang ito ay tinatamad lang pumasok at ayaw mag-ensayo para sa graduation. Tumango na lang ako, hindi ko maisip na may  isang bata na hindi nananabik sa nalalapit nilang pagtatapos. Naalala ko pa noong ako ay malapit nang magtapos sa sekundarya, kahit isang beses ay hindi ako lumiban sa aming mga pag-eensayo kahit na paulit-ulit lang na pagpanik panaog sa entabladong kahoy na uuga-uga ang aming ginagawa. Hanggang pag-uwi ay patuloy paring tumutugtog sa aking isipan ang tunog kapag kami ay nagmamartsa.

            Sumapit ang lunes. Nakita ko siyang nakapila at handa nang magmartsa para sa pag-eensayo. Ganoon pa rin, matamlay . Hindi ko na iyon pinansin ang mahalaga ay makapag-eensayo na siya at hindi mahuhuli sa kanyag mga kaklase.

            Pagkatapos ng ensayo ay pinatawag ko siya sa faculty, lahat kasi ng mga kaklase niya ay nakausap ko na tungkol sa kanilang grado at kung saan sila mag-aaral ng kolehiyo.

“Magandang Hapon po Sir pinapatawag niyo raw po ako?”

“Oo, maupo ka.”

“Lahat ng kaklase mo ay nakausap ko na tungkol sa kanilang mga grado. Sa katunayan ay ayos naman ang lahat ng grado mo sa katunayan nga ay kasama ka sa top 10 at may matatanggap kang medalya.”

Pinagmasdan ko ang kanyang reaksyon. Wala. Wala akong makitang bahid ng kasiyahan. Kung ikukumpara ko sa mga kaklase niya, mas natuwa pa ‘yong nakakuha ng pasang-awa at nalamang ga-graduate siya.

“Siguradong matutuwa ang mga magulang mo kapag nalaman nila ang magandang balita.”

            Hindi pa rin siya kumibo, nakayuko at naghihintay lang ng aking sasabihin.
“S’ya nga pala, ano ba ang kukunin mong kurso at saan ka magkokolehiyo?”

            Tumingin lang siya sa akin at umiling.

“Anong ibig mong sabihin? Hindi ka na magkokolehiyo?” Imposible, sabi ko sa aking sarili, may kaya silang pamilya ang mga magulang niya ay kapwa mga nurse. Kayang-kaya siyang ipadala sa ano mang paaralan na naisin niya.

“Hindi ko pa po kasi alam kung ano ang kukunin ko sa kolehiyo. Gusto po kasi ng mga magulang ko na nag-nurse din ako, pero... hindi ko po kasi gusto ‘yon kaya hanggang ngayon hindi pa rin po ako nakapagdedesisyon. Sabi pa nga po ni Daddy na kapag daw po hindi ko sila sinunod ay bahala na raw po akong mag-paaral sa sarili ko.”

            Hindi ako makapagsalita. Habang siya ay nakukwento at isa-isang bumabalik sa aking alaala ang mga panahong nakita ko siyang matamlay. Walang kibo. Walang imik. Iyon pala ang dahilan.

“Carlo, minsan talagang dumarating sa buhay natin ang mga pagsubok. Titignan lang ng diyos kung gaano tayo katatag. Kung hanggang saan natin kayang sumugal para sa ating pangarap. At kung paanong pagdedesiyon ang ating gagawin. Kung ano man ang piliin mo, ang utos ng iyong mga magulang o ang iyong desisyon, siguraduhin mo na lang na sa bandang huli ay hindi mo ito pasisisihan.”

            Hindi na s’ya kumibo at waring pinag-iisipan ang aking mga sinabi.
“O, s’ya puwede ka nang umuwi.”

            Tumayo siya at binitbit ang kanyang bag na nilapag niya sa sahig. Inayos ko na ang mga gamit ko upang makaalis na rin. Ngunit..
“Sir.”

            Hindi pa rin pala siya lumalabas.

“Hindi po ba kayo nagsisisi na naging titser lang kayo?” seryoso niyang tanong.

“Bakit mo naman naitanong ‘yan?”

“Naalala ko lang po kasi noong pinanuod natin ang pelikulang MILA, sa kabila ng pagiging titser ni Mila ay dumarating sa puntong iiwan rin sila ng mga batang matiyaga nilang tinuruan.”

            Ngumiti ako. Matalino nga siyang bata. Natatandaan niya ng bawat leksyon na aming tinatalakay sa klase. Ganoon pa man talagang seryoso ang kanyang tanong.

“ Umiikot ang mundo Carlo. May nawawala, may dumarating. Walang permanenteng bagay sa mundo lahat nagbabago. Ganoon pa man, kahit kailan hindi ko pinagsisihan ang pagiging titser.”

            Hindi pa rin siya kumbinsido sa sagot ko, alam kong may kasagutan pa siyang hinihintay.

“Hindi lang kasi ako basta isang titser. Isa akong matibay na pundasyon na kung hindi dahil sa akin ay hindi nila magagawang tuntungan ang hagdanan patungo sa kanilang pangarap. At isa pa’y, natuto na kasi akong makuntento. Masaya na akong makita ng mga batang minsang dumaan sa aking buhay. May Engineer, Doktor, Architect at iba pang propesyon na talaga na mang tinitingala sa ating lipunan. Na kung tutuusin nga ay mas malalaki pa ang sahod sa akin. Dahil doon ay naging masaya na ako na parang isang magulang, iyon siguro ang dahilan kung bakit kami tinaguriang pangalawang ama at ina, dahil nararamdaman din namin ang sakripisyon ng isang magulang.”

            Pinakinggan niya akong mabuti, bawat salitang aking binibitawan ay tila ba inililista niya sa kanyang isipan. Nakatitig lamang siya mata sa mata. At pagkatapos ay nagpasalamat.

            Kalat na ang mga nagbebenta ng kuwintas na bulaklak sa tapat ng aming paaralan. Unti-unti na ring nagdaratingan ang mga magulang at ang mga magsisipagtapos. Pagsapit ng ikawalo ay tumugtog na ang kanta sa pagmartsa hudyat na simula na ng seremonya para sa pagtatapos. Matapos ang unang bahagi ng seremonya ay tinawag na ang guest speaker na dating nagtapos sa aming paaralan at ngayon ay isa ng politiko na siyang nagpatayo ng ilang silid sa aming paaralan, na makalipas ang isang taon ay may lamat at bitak na ang mga pader. Tinawag na ang bawat mag-aaral upang tanggapin ang kanilang mga diploma. Maging ang mga may natatanging parangal bawat isa ay todo kung makangiti sa kamera tuwing aakyat sa entablado. Hindi gaya ng iba, tahimik lang si Carlo ngumiti lang siya saglit matapos siyang sabitan ng medalya ng kanyang ina.  Matapos magbigay ng talumpati ang Valedictorian ay lahat ay nag-iiyakan maging ang mga magulang.  Matiwasay na natapos ang seremonya. Ilang hakbang na lang ay nasa kolehiyo na sila. Maaaring sa pagkuha nila ng kanilang mga class card ay huling pagkikita na naming. Kung makasalubong mo man ay masuwerte na kung batiin ka.

            Mabilis na lumipas ang panahon. Halos taon-taon parami nang parami ang mga batang pumapasok at nagsisipagtapos sa aming paaralan. Hindi na mabilang na mag-aaral ang dumaan sa akin. Hindi na mabilang na kuwento at karanasan ang ibinahagi ko sa aking mga naging mag-aaral. Ngayon, pasukan na naman, mga bagong bata na naman ang aming haharapin. Isang ordinaryong araw lang sa akin ang unang araw ng pasukan. Malayo pa lang ako ay kita ko na  sa gate ang mga magulang na kasakasama ang kanilang mga anak para sa orientation.

“Sir!” isang lalaki ang tumawag sa akin na nakatayo sa gate ng paaralan. Kinawayan niya ako. Pero hindi ko siya makilala.

“Sir, si Carlo po ito.” Hindi kaagad ako makapaniwala. Napakalaki ng pingabago niya. Tumangkad siya, iba na rin ang kanyang gupit. Talagang malayo na sa dati.

“Oo nga Carlo, hindi kita kaagad nakilala napakalaki na ng pinagbago mo.”

“Syempre naman po Sir ang tagal din ho nating hindi nagkita.”

            Iyon ang pinakamalaking  pinagbago niya, naging masayahin na siya. Hindi katulad ng asal niya noon.

“E, Ano ba’t naparito ka?” Hindi siya sumagot ngumiti lang siya sa akin. At napansin kong pareho kami ng uniporme. Hindi pa rin ako makapaniwala.

“Titser ka na rin?”

“Opo Sir, kahit mahirap ang pinagdaanan ko sa kolehiyo, at sinuway ko ang utos ng aking mga magulang. Pinilit kong makatapos ng pag-aaral. Gusto ko rin po kasing maramdaman yung pagiging kontento na nararamdaman niyo ngayon. ‘Yung pagiging masaya niyo tuwing nakikita niyong nagtatapos ng mga batang inyong tinuturuan. At higit sa lahat ay gusto ko pong maging proud sa sarili ko na hindi lang ako basta isang titse, na maging isang matibay na pondasyon na kung hindi dahil sa akin ay hindi magkakaroon ng iba pang tinitingalang propesyon sa ating lipunan. Hindi man po ako naging katulad ng iba kong mga kaklase sana po naging proud kayo sa sakin.”

            Pumatak ang luha ko nang hindi namamalayan. Ang buong buhay ko sa pagiging titser ay nasuklian na. Oo, mahirap ang maging titser akala ko ang makakita ng isang dati kong mag-aaral na nagtagumpay ay ang pinakamasayang bahagi na ng aking buhay. Ngunit ang makaimpluwensya pala ng isang mag-aaral na maging isang titser ang pinakamasaya sa lahat.

            Iniabot ko ang aking kanang kamay at tinapik ang kanyang balikat.

Huwebes, Abril 13, 2017

Pagmamahal at Pagkabigo



Pagmamahal at Pagkabigo
Ni: Louie Ace B. Manalad

“The greater your capacity to love, the greater your capacity to feel the pain”
-Jennifer Aniston

            Kapag nagmahal ka dapat ay handa ka ring masaktan, handa kang mabigo at handa kang tumanggap ng pagkatalo. Dahil sa pagmamahal hindi puro kasiyahan, hindi laging ok ang lahat. Dahil darating yung oras na magiging malungkot ka at makakaramdam ka ng sakit. Sabi nga nila“The more you love, the more you are prone to have pain”. Natural lang naman iyon, dahil hindi ka naman masasaktan kung hindi ka tunay na nagmamahal, bawat matamis na ngiti ay may katumbas na pait.

            Pero alam mo ba kung bakit tayo lubusang nasasaktan? Masyado kasi tayong naniniwala sa mga pelikula na ating pinanunuod,tulad ng Walt Disney o kaya ay Grimm’s fairy tales. Mga palabas na nagpaniwala sa atin na may forever, happily ever after at happy ending. Siguro, totoo ngang may happy ending, pero bago tayo makarating doon ay kailangan muna nating kalabanin ang mga kontrabida sa sarili nating pelikula, o ‘di kaya ay talunin ang mangkukulam na sumumpa satin. Sa madaling sabi, kailangan muna nating masaktan at kailangan muna nating matuto sa ating mga pagkakamali. Dahil sa pagmamahal ay nagagawa natin ang mga bagay na di inaasahang magagawa natin o ‘yong mga bagay na akala mo ay hindi mo kaya. Kailangan muna nating dumaaan sa mga pagsubok. Pagsubok na siyang magpapatatag sa atin, pagsubok na siyang sumusukat kung hanggang saan ang kaya nating itaya o isugal sa pag-ibig. Oo, ang pag-ibig o pagmamahal ay isang sugal. Nandiyan na ‘yong minsang sabay kayong nangarap, sabay bumuong mga plano sa buhay at umaasang balang araw ay matutupad ang lahat ng iyon.  Ngunit darating ang panahon nagigising kang namumugto ang mga mata at  maiisip mo na mag-isa ka na lang palang nangangarap. In short,expectations. Ganoon pa man ay maiisip mong bumangon, upang buuin ulit ang iyong sarili na minsan ng winasak ng pag-ibig.

            Minsan ay naiisip na nating sumuko. Iyong pakiramdam mo ay isinumpa ka o kaya’y pinaglalaruan ka ng tadhana. Dumadating din sa puntong tinatanong natin ang ating sarili tulad ng, may kasalanan ba akong nagawa?,ano ba ang naging pagkukulang ko?. At maiisip mong naging mabait ka naman at walang inaaapakang tao. Pero bakit parang pinagkakaitan ka ng pagkakataon na lumigaya. Hindi naman talaga luha ang sukatan kung gaano ang sakit na ating nararamdaman, kundi ang mga pilit na ngiti na ating ipinakikita sa ibang tao upang masabi lang na ayos lang tayo.

            Minsan naisip ko, bakit hindi na lang pagtagpuin ‘yong mga taong alam ang tunay na konsepto ng pagmamahal. Iyong mga taong hindi kayang manaki ng damdamin ng iba, ‘yong mga taong hindi kayang mang-iwan at ‘yong mga taong may malawak na pang-unawa sa pagmamahal. Siguro nga ay hindi puwede dahil kailangan maranasan ng bawat isa ang masaktan. Iyon ang magiging daan upang malaman natin ang kahalagahan, hindi lang ng taong ating minamahal, kundi ang kahalagahan ng ating sarili. Lagi nating tatandaan na sa bawat sanga-sangang problema at pagsubok na ating pinagdadaan ay may malalim na ugat na siyang nagpapatibay sa atin.

“Pain makes you stronger, Fear make you braver and Heartbreak makes you wiser”.


           



Lunes, Marso 27, 2017

You're Not so Perfect Adviser



“Time Flies so Fast!”

          Ganoon lang kadaling lumipas ang sampung buwan. Dati ako ‘yong ga-graduate, ngayon, may graduates na ako.

Nagsimula sa pagpapakilala ...

Sinubukang kilalanin...

At ngayon magpapaalam na.

          That’s life, sabi nga ng iba. May mga tao talagang itinadhana upang dumaan lang sa buhay mo, para matuto ka at para matuto sila sayo, as a teacher ‘yon talaga ang katotohanan.We need to grow, we need to move on, we need to face the new challenges of life, and we need to take a risk. Hindi tayo puwedeng tumigil, hindi tayo puwedeng manatili sa alam nating komportable tayo. Kaya nga ‘yong sinanabi nating RIZAL AS ONE, hindi natin ‘yon kayang panindigan.

          Maybe this is the time para makapagpasalamat sa lahat ng mga bagay na natutuhan ko sa inyo, sa lahat ng nakabubuwisit na pagkakataong magkakasama tayo, sa lahat ng mga pagkakataong gusto ko nang pumatay ng estudyante, sa lahat nang pagkakataong gusto ko na kayong itulak sa hagdan isa-isa at syempre sa lahat ng pagkakataong naging masaya tayo. Hindi ko ugaling kalimutan nalang ang mga “bangungot” na dinanas ko sa inyo, kasi naging parte ‘yon ng buhay natin pare-pareho, isa na iyon sa dahilan kung bakit ako naka-survived ng  sampung buwan kasama kayo.

          I know that I’m not a perfect adviser, pero alam ko sa sarili ko na ginawa ko ang lahat. Salamat sa pagtitiwala, sa lahat ng batang tumulong sakin para maka-adopt sa Holy, alam niyo naman kung sino kayo.

          Congratulations! And Good Luck sa Senior Year niyo, marami pa kayong tao na makikilala, marami pa kayong problema na haharapin. Hindi pa dito nagtatapos ang lahat, ngayon pa lang ang simula ang totoong laban ng buhay, kung saan sarili niyo nalang ang kakompetensya niyo. Sana dumating ang time na malaman kong naging successful kayong lahat. Hindi natin alam ang takbo ng buhay, napakarami pang bagay na puwedeng magbago.


                                               Your not so perfect class adviser SIGNING OFF,
                louieacebmanalad