Linggo, Oktubre 2, 2016

Singsing



SingsingNi: Eris Mateo




        Nag-aral ako malayo sa mga mahal ko. Tiniis ko lahat ng lungkot. Nag-intay ako. Ginawa ko lahat ng mga pinangako ko sa kanya. Bumalik ako. Nang magkita kami, hinawakan niya ang aking mga kamay, nadurog ang aking puso. Ang pinapangarap ko na simbolo ng pagmamahalan kasama siya ay nagawa niya na pala.

Miyerkules, Mayo 25, 2016

Kanino Nakasalalay ang Tagumpay?

Kanino Nakasalalay ang Tagumpay?
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Isang pirma, ilang bilog na marka sa balota at tinta sa daliri, hudyat na muli nating ginamit ang ating karapatan na mamili at magluklok ng isang tao na s’yang magiging pinuno ng ating bayan. Isang pagkakataon na minsan lang maganap. Isang pagkakataon na kailangan pag-isipan dahil isang maling desisyon ay pagdurusahan natin sa susunod na taon. Pero ano nga  ba ang katangian ng isang magaling na leader? Ano nga ba ang dapat niyang taglayin?

Katulad sa paaralan, lalo na tuwing may pangkatang gawain nagluluklok tayo ng isa nating kamag-aral na alam nating may kakayahan, kaalaman at abilidad na mamuno sabi nga natin ang isang leader ang mangunguna (sa ayaw at sa gusto mo)  sa kanyang mga kamiyembro sa mga bagay na kanilang gawin. Tama, ang leader ang siyang nangunguna. Siya ay nagdedesisyon hindi lamang sa kanyang sarili ngunit kasama ng kaniyang mga kamiyembro. Ngunit ang isang leader lamang ba ang may responsibilidad? Hindi ba’t may  malaking responsibilidad din ang kanyang mga kamiyembro?
Kahit kailan ay hindi magtatagumpay ang isang leader kung hindi siya susuportahan ng kanyang mga kamiyembro. Kung hindi siya tutulungan sa mga bagay na kanyang nais matupad. Kung hindi s’ya susundin sa mga bagay na kaniyang inuutos na alam niyang makabubuti sa lahat. At hindi s’ya matatawag na leader kung hindi s’ya pinakikinggan ng kanyang mga kamiyembro.

Sabi nga ni Rosalynn Carter, “A Leader takes people where they want to go. A Great Leader takes people where they don’t want to go, but ought to be.” Minsan kasi nabubulag tayo sa mga bagay (o sa Leader) na hindi natin gusto. Na akala natin hindi iyon ang makabubuti sa atin. Pero hindi natin alam na iyon pala ng tama. Iyon pala talaga ang makabubuti sa atin. Iyon pala ang tamang landas na dapat natin tahakin. Ngunit kailan pa natin malalaman iyon kung ngayon pa lang ay hindi na tayo marunong makinig, hindi tayo marunong sumunod at hindi marunong magpasensya at umunawa. Tandaan sana natin na sa paaralan man o sa buong bansa ang usapin ng pagiging leader, malaking bahagi pa rin ang ginagampanan ng isang indibidwal sa ikatatagumpay ng leader na kanyang pinili (kahit hindi), at kung siya naman ay hindi magtagumpay tiyak na iyon ay atin ding kawalan.

Linggo, Mayo 8, 2016

Pag-agos ng Luha


Pag-agos ng Luha
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

            Sunod-sunod na kalabog ng kabinet ang gumising kay Edna. Pilit niyang iminulat ang hapo n’yang mga mata na ilang oras pa lang na nakapikit. Pagdilat ng kanyang mata ay nakita niyang nakakalat ang kanyang mga damit sa sahig habang ang kanyang ina ay patuloy pa rin sa paghahalughog na tila may hinahanap. Tumayo si Edna sa kanyang higaan at nilapitan ang kanyang ina.
            “Nay! Ano po ba ‘yang ginagawa n’yo?” tanong ni edna na may kahalong inis. ”Nakita mo ba ‘yong kwintas ko? ‘yong perlas na puti, bigay sakin ‘yon ng tatay mo! Kanina ko pa hinahanap pero ‘di ko talaga makita!” mabilis na pagtatanong ni Aling Juana na halatang lubos na nag-aalala.
            Lumingap saglit si Edna upang hanapin ang nawawalang kuwintas ng kanyang ina. Sa isang saglit lang ay nakita na n’ya ito.
            “ Nay! Ayan po ‘yong kwintas n’yo ,o!” sabi ni edna. “ Nasaan?” litong pagtatanong ng kanyang ina. “Ayan po, o! nakasabit sa leeg n’yo!” sabay turo sa kuwintas na nakasabit sa leeg ni Aling Juana. “Pasensya ka na anak, liligpitin ko nalang ang mga kinalat ko”. Napakamot sa ulo si Aling Juana, sa ekspresyon ng kanyang mukha ay halatang napahiya siya. “Sige ho nay, babalik na po ako sa pagkakatulog ko”. Bumalik sa pagtulog si Edna dahil talagang pagod siya sa buong gabing pagtatrabaho.
            Mag-aala-syete na noong bumagon si Edna sa kanyang higaan. Paglabas niya sa kwarto ay tumungo siya sa kusina. Nakita niyang may luto nang pagkain sa lamesa. Lumingap-lingap siya upang hanapin ang kanyang ina ngunit wala ito sa sala na katapat lang ng kusina, naisip niyang baka nasa likod bahay ito at nagdidilig ng halaman. Kumaing mag-isa si Edna maya-maya pa ay nilapitan siya ng kanyang ina.
            “ Anak, ikaw muna ang bahala dito sa bahay ha, gagabihin na ako ng uwi, may faculty meeting pa kami. Isarado mo ‘yong pinto paglabas ko ha. May ulam na d’yan iinit mo nalang” sunod-sunod na paalala ni Aling Juana sa kanyang anak. “Nay, umupo nga po muna kayo” sabi ni Edna. “Naku hindi na anak, ehem,ehem, baka mahuli pa ako, alam mo namang may flag ceremony ngayon, ehem, ehem” paliwanag ni Aling Juana kasabay ng ilang beses na pag-ubo. “Nay, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na sampung taon na po kayong retired??” inis na sagot ni Edna.
            Hindi na nakasagot Aling Juana dahil inatake na siya ng sunod-sunod na ubo. Pinaupo kaagad ni Edna ang kanyang ina at pinainom ng tubig. Kinuha niya ang gamot ni Aling Juana na hinatol ng doktor. Dulot ng katandaan ay marami na ring sakit na iniinda si Aling Juana.
            Hindi na bago kay Edna ang ganitong eksena dahil halos araw-araw itong nangyayari. Araw- araw ay lalong lumalala ang pagiging ulyanin ng kanyang ina. Minsan nga ay dumarating pa sa puntong lumalabas ng kanilang bakuran ang kanyang ina at hindi na nakakabalik nang mag-isa kaya naman buong araw nila itong hinahanap. Dahil dito ay naapektuhan ang kanyang trabaho.
            Si Edna ay nagtatrabaho sa isang call center company, nagtapos siya ng kursong Mass Communication Major in Broad Casting at napasok sa naturang trabaho. Nag-iisang anak lang si Edna at bata pa lang siya ay namatay na ang kanyang ama kaya naman mag-isa siyang pinalaki at itinaguyod ng kanyang ina na isang guro. May edad na rin si Edna ngunit hindi na siya nakapag-asawa, itinuon niya ang  pansin sa kanyang trabaho.
            Kinagabihan ay inihanda na ni Edna ang mga gamit na kanyang dadalin sa trabaho at handa na siyang umalis. “Nay, aalis na po ako ha, hintayin n’yo po si Ka Elena, mayamaya lang po ay nandiyan na s’ya” paalala ni Edna na kasalukuyang nasa tapat na ng pinto. Hindi na sumagot si Aling Juana bagkus ay tumango lang ito, abala kasi siya sa panunuod ng drama sa telebisyon. Tuluyan ng umalis si Edna at paglabas niya ng bakuran ay s’ya namang pagpasok ni Ka Elena.
            Si Ka Elena ang nagbabantay sa ina ni Edna tuwing gabi. Magkapit bahay lang kasi sila at marunong itong mag-alaga ng matanda. Kapag tulog na si  Aling Juana ay umaalis na si Ka Elena. Ngunit ito na ang huling pagbabantay ni Ka Elena sa matanda dahil bukas ng tanghali ay uuwi na ito sa probinsya kasama ang buo niyang pamilya.
            Noong dumating si Edna sa bahay ay alas-tres na ng umaga. Umidlip siya saglit at pagsapit ng alas-singko ay bumangon na ulit ito. Naghanda siya na tila aalis. Ginising niya ang kanyang ina at pinagbihis n’ya rin ito. Matapos iyon ay kinuha niya ang malaking itim na bag na may lamang ilang damit ng kanyang ina at matagal na iyong nakatago sa ilalim ng kanyang kama.
            “Anak, saan tayo pupunta?” tanong ni Aling Juana. Hindi na kumibo pa si Edna bagkus ay nagpatuloy lang siya sa paglalagay ng damit sa malaking bag. “Magbabakasyon ba tayo?” muling tanong ni Aling Juana ngunit wala siyang sagot na narinig. Tanging isang sulyap lang ang ibinato ni Edna.
            Binitbit ni Edna ang malaking bag at inakay niya ang kanyang ina sa paglabas ng bahay. Sumakay sila sa tricycle, sa jeep at sa bus. Pumunta sila sa lugar kung saan ang mga tao ay may mapuputing buhok, kulubot ang balat at malapit nang lubugan ng araw. Maya-maya pa ay lumapit sa kanila ang isang babae na namamahala sa institusyon na iyon.
            “Magandang araw po! ano pong kailangan nila?” bati ng babae. “Kayo po ba si Ma’am Bernadeth?” tanong ni Edna. “ Ako nga po, ano po ba ang maipaglilingkod ko?” tugon ni Ma’am Bernadeth. “ Ako po si Edna, ‘yong tumawag po sa inyo kagabi!” paliwanag niya. “A, oo, natatandaan ko, ito ba ang iyong ina?” tanong ni Ma’am Bernadeth sabay turo sa matandang katabi ni Edna. “ Opo, siya nga po! dito ko po muna s’ya  ipagkakatiwala sa inyo”. “Anak! Iiwan mo na ba ako dito?” gulat na tanong ni Aling Juana. “ Nay, sana naman po maunawaan n’yo ako, para sa inyo rin po itong gagawin ko, hindi ko na po kasi kayang pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pag-aalaga sa inyo!” sabay hawak sa mga kamay ng kanyang ina. “Hindi na ako, magiging pabigat anak, huwag mo lang akong iwan dito” garalgal na wika ni Aling Juana kasabay nito ay ang pagpatak ng luha ni Edna. Pikit mata niyang binitawan ang kamay ng kanyang ina at iniabot ang bag kay Ma’am Bernadeth. Kasunod noon ay tumalikod na si Edna at nagpatuloy sa paglalakad palayo.
            Mabilis na lumipas ang mga araw, naging abala si Edna sa pagtatrabaho. Dahil dito ay na-promote siya na matagal na niyang pinangarap. Ilang buwan na noong iniwan ni Edna ang kanyang ina. At ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon  na dalawin ito.
            Nagtungo si Edna sa institusyon kung saan n’ya iniwan ang kanyang ina. Sinalubong kaagad s’ya ni Ma’am Bernadeth at itinuro ang kinaroonan ng kanyang ina. Malayo pa lang ay nakita na nya ang kanyang ina na nakaupo sa isang tumbatumba at kakwentuhan ang isang matanda. Hindi pa siya lubusang nakalalapit ay narinig na n’ya ang pinag-uusapan ng dalawang matanda, hindi siya pansin sapagkat nakatalikod ang mga ito. Unti-unting tumulo ang luha ni Edna at tila nadurong ang kanyang puso sa kanyang mga narinig. Ang mga katagang iyon ay hindi n’ya inaasahang maririnig sa mula kanyang ina. Patuloy ang pag-agos ng luha ni Edna, imbis na puntahan ang kanyang ina ay nagtungo siya sa opisina ni Ma’am Bernadeth.
            “Edna, tatapatin na kita, lalong lumalala ang kondisyon ng iyong ina. Kung iuuwi mo s’ya ay lalo kang mahihirapan sa pag-aalaga” paliwanag ni Ma’am Bernadeth. “Hindi na po mahalaga ‘yon ang importante po ay maiuwi ko ang aking ina”. Noon ding araw na iyon ay iniuwi ni Edna ang kanyang ina. Hindi na siya nagdalawang isip pa. Pagdating sa bahay ay tumawag kaagad siya sa opisina, sinabi niya na magli-live muna siya ng isang buwan.
            Pinagsilbihan n’ya ng kanyang ina sa abot ng kanyang makakaya, gaya nang pag-aalaga sa kanya nito noong bata pa siya. Lalong naging makulit ang kanyang ina ngunit pinagpasensyahan niya ito gaya ng pagpapasensya sa kanya ng kanyang ina noong siya ay musmos pa. Kahit nagiging palasigaw ito ay wala siyang hinanakit na itinago dahil alam niyang naging ganoon rin siya noong kabataan n’ya. Ang oras, araw at lingo ay madaling lumipas at maging ang  paghina ng kanyang ina.
            “Edna” mahinang tawag ng kanyang ina na kasalukuyang nakahiga sa kama. “Bakit po” sagot ni Edna. “Dumating na ng araw, anak! Patawarin mo ako kung may naging pagkukulang kami ng tatay mo” mahinang sabi ni Aling Juana. Unti-unti nang tumulo ang luha ni Edna alam n’yang ito na ang oras na para sa iba ay huwag na sanang dumating. “ Patawarin n’yo rin po ako nay, kung hindi po ako naging mabuting anak” sabay hawak sa kamay ng kanyang ina. “Patawarin n’yo po ako kung hindi ko po kayo napagsilbihan ng husto”. Naramdaman ni Edna na hinimas ng kanyang ina ng kanyang ulo at pagtingin niya rito ay sinuklian lamang siya ng isang tuyot na ngiti. Sa puntong iyon ay isinara na ni Aling Juana ang kanyang mga mata. Patuloy  pa rin sa pagiyak si Edna at sumagi sa kanyang isipan ang mga katagang kanyang narinig sa kanyang ina noong dalawin n’ya ito.
            “ Hindi s’ya sa akin nagmula. Hindi sa aking sinapupunan. Hindi kailan man, ngunit binihisan ko siya, inalagaan, pinag-aral at minahal na parang tunay kong anak”.


Biyernes, Abril 29, 2016

Happiness Makes me Paranoid






Happiness Makes me Paranoid
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

“Happiness is a journey,not a destination.”
Paano nga ba maging masaya? To be honest pati ako hindi ko pa rin alam kung paano maging masaya. Sabi nila kapag marunong ka raw makunteto magiging masaya ka. Sabi ko sa sarili ko “marunong naman akong makuntento a,  bakit di pa rin ako masaya?” Akala ko kapag nakatapos  na ako ng kolehiyo iyon na ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Pero, parang nagkamali ata ako. I don’t know why pero until this point hindi pa rin ako masaya.Hindi katulad noong elementary at high school ako, excited ako tuwing naririning ko ‘yong graduation march kahit paulit-ulit lang ‘yong practices.
May nagtanung nga sakin. “Edi napakasaya mo  nung graduation mo?” napatigil ako and I ask myself naging masaya nga ba ako?  Ang pakiramdam ko kasi that time, it’s just an ordinary day. Hindi ko talaga alam kung bakit. Kung ano-anong hypothesis na ang pumapasok sa isip ko, “Baka kasi ang natupad lang ay ang pangarap ko sa buhay at hindi ang pangarap ko sa aking sarili.” “Baka hindi talaga ako para sa pagtuturo? Baka hanggang ngayon nakakulong pa rin ang ako sa pangarap ko na maging isang Chef.” That is my ambition since I was in elementary; I gave up on it when my mother told me that she cannot send me in college but hopefully my uncles and unties help me to pursue in college. Alam ko sa sarili ko na hindi iyon ang dahilan, na-enjoy ko naman ang pagiging education student ko. And I know someday I can make all those dreams came true.
Sabi nga do’n sa isang quotes na nabasa ko, “Happiness will never come to those who don’t appreciate what they already have.”  But my brain answers: I appreciated all I have, I been thankful for all the blessing that I received.  Tuwing gabi paulit-ulit na tumatakbo ang ganitong bagay sa aking isipan. Paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili. Paulit-ulit kong dinarasal na sana dumating ang panahon na masagot ang lahat ng katanungan na gumugulo sa aking isipan. And Jesus answered my prayers. One night I realized that RESPONSIBILITY is the reason why I didn’t enjoy my life. Every day I was thinking about the responsibility that I will carry when I start working. Lagi kong iniisip na kailangan kong maging responsable. Kailangan kong magpaaral ng kapatid. Kailangan kong pakaiinin ang pamilya ko. Kailangan ko nang mag-review para  sa LET. Kailangan kong makapasa para hindi ako maging kahiya-hiya. At kung ano-ano pang bagay  na sa tingin ko iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nagiging masaya. Marami pa akong PANGARAP sa buhay. Sad to say but isa ‘yon sa dahilan kung bakit hindi pa rin ako/tayo nagiging masaya. Sabi kasi ng kaklase ko “Hangga’t may pangarap ang isang tao, hindi s’ya magiging masaya kasi hindi pa rin s’ya kuntento sa bagay na mayroon s’ya.” Iniisip ko na lang na baka kapag nagawa ko na ‘yong mga responsibilidad at natupad ko na ‘yong mga pangarap na iyon ay magiging masaya na ako.  
Hindi madaling maging masaya pero may natutuhan ako sa gabi-gabi kong pag-iisip, na hindi lang tayo ang nagdidikta kung kailan tayo magiging masaya, na malaki ang papel naginagampanan ng lipunang kinabibilangan mo at mga taong nakapaligid sa’yo sa kung paano mo tingnan ang iyong sarili. Kung pa’no mo pasalamatan ang mga bagay na natatanggap mo. Kung paano ka makunteto (kung marunong kang makuntento). At higit sa lahat kung paano ka magiging masaya sa kabila ng responsibilidad na kailangan mong dalhin habang ikaw ay naglalakad sa direksyon na iyong piniling tahakin.


Huwebes, Abril 21, 2016

Joey



Joey
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Padabog na inilapag ni Ma’am Shaka ang kanyang gamit sa teacher’s table.Tinignan niya nang maama ng kanyang mga estudyante na tila may hinahanap. Pagtungo ng kanyang mga mata sa kaliang bahagi ng silid ay biglang kumunot ang kanyang noo at pagalit na sinabing....
“Hoy Joey!”  sabay duro ng daliri sa estudyante.
“Alam mo bang pinatawag ako sa principal’s office dahil daw sa pangongolekta ko ng 10 pesos para sa project niyo na musical instruments.”
Lahat ay tahimik lang, kita ang takot sa kanilang mga mata. Unti-unting lumapit si Ma’am Shaka sa pinagagalitang estudyante.
“15 years na ako in service Joey at ngayon lang... ngayon lang may nagsumbong sakin dahil sa 10 pesos na ‘yan.”
            Namutla ang estudyante dahil sa sobrang pagkabigla at takot.
“So ngayon Joey wala kang asabi matapos mo akong isumbong sa principal.”
Bigla na lang humagugol ang estudyante na kanina pinagagalitan at dinuduro-duro ng matapobreng teacher. Pero hindi nagpasindak si Ma’am Shaka.
“Aba at ikaw pa ang may lakas ng loob na umiyak. Dalahira ka!”
Hindi nakatiis ang Presidente ng klase at sinagot nang mahinahon si Ma’am Shaka .

“Ma’am, si Japoy po iyan.. sa kabilang section po si Joey.”

Linggo, Abril 17, 2016

Pagkapit sa Manibela



Pagkapit sa Manibela
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Tumatakbo ang oras. Lumilipas ang panahon. Sa tuwing may pintuang magsasara laging may panibagong  pintuang magbubukas. Hindi natin namamalayan ang mabilis na pag-ikot ng mundo. Kung dati ay inip na inip tayo, ngayon naman ay parang gusto muna nating pahintuin ang oras upang sulitin ang mga nalalabi pang araw ng pagiging isang estudyante. Estudyante na minsang nangarap at ngayon ay makakamit na nya ang pangarap na iyon.

            Masaya ang pagtatapos. Lahat ng paghihirap mo ay masusuklian na. Lahat ng mga problema at pagsubok na iyong pinagdaanan ay isang kuwento na lamang. Mga pagsubok na minsang nagpatibay ng iyong loob. Mga problemang nagpahaba ng iyong pasensya. At mga suliranin na naging dahilan upang ikaw ay maging matapang. Mga kuwento na laging magpapapaalala sa iyo sa hinaharap na hindi ka dapat sumuko sa ano mang laban sa buhay. Masayang isipin na napatunayan mo na na kaya mo, sa kabila ng mga taong hinuhusgahan ka noon.Nakatutuwang isipin na konting tiis nalang ay masusuklian na natin ang mga paghihirap ng ating mga magulang at kung sino mang tao na gumabay at tumulong sa atin. Hindi man ikaw ang nanguna  ang importante ay nagawa mong tapusin ang karera na inumpisahan mo. Tapos na ang kompetisyon, ngunit ang kompetisyon sa totoong buhay ay nagsisimula pa lamang. Dito masususkat kung gaano talaga tayo katatag. Nakatatakot kung iisipin ngunit ito ang katotohanan.

            Malungkot. Bakit? Dahil malalayo ka na sa mga taong tumulong sayo upang ikaw ay makasabay sa agos ng buhay. Mga kaibigan. Mga kakilala. Mga taong naging malaking parte ng buhay mo. Mga taong nakaimpluwensya sa iyo. At mga taong hindi ka iniwanan sa kahit na anong pagsubok. Mga taong kasabay mo sa karera ngunit kahit kailan ay hindi naisip na ikaw ay sapawan. Nakalulungkot isipin na baka ilang buwan pa bago ulit kayo makita-kita. Ilang buwan pa upang muli kayong magkasama-sama. Ngunit ganoon talaga ng buhay. May umaalis at may bagong darating. Hindi puwedeng manatili na lamang tayo kung saan tayo mas komportable. Kailangan nating tuparin ang sari-sariling mithiin sa buhay. Kailangan na nating tahakin ang direksyon na ating napili. Sabi nga sa Three Simple Rules in Life no. 1: If You do not GO after what you want you never have it. Kailangan ipagpatuloy natin ang ating buhay, kailangan nating mapursige dahil ito na ang katoohanan na tayo na ang magmamanubela sa landas na ating tatahakin. Mabigat na responsibilidad. Mas mabigat na pagsubok.


            Masayang isipin ang nakaraan at ang mga bagay na iyong napagtagumpayan. Ngunit nakatatakot harapin ang bagong mga pagsubok na iyong dapat suungin.

Biyernes, Abril 15, 2016

Dumoble ang Laki




Dumoble ang Laki
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

“Guys, hihinto na ako sa pag-aaral.”
“Ha! Bakit?” gulat kong tanong.
“Hindi na ako kayang pag-araln ni Nanay.” Nakita kong nagingilid na ang kanang luha at maging ang angming mga kaibigan.
“Hindi na ba talaga kayang gawan ng paraan.” Tanong ni Cindy.
“Hindi na e, natanggal na kasi si Nanay sa trabaho.”

Naging malungkot ang pamamaalam ng aming kaibigan. Halos lahat kami ay nalungkot at ‘di pa rin tanggap ang mga pangyayari. Hindi kasi naming na wala kaming nagawa bilang mga kaibigan. Lumipas ang ilang buwan muli kaming nagkita. Mukha namang hindi sila naghirap. Ang payat niyang katawan ay nagkalaman, at ang kanyang tiyan ay dumoble na ang laki.

Sabado, Abril 9, 2016

Pantawid Gutom




Pantawid Gutom
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

“Wag matakot, makibaka”, “Wag matakot, makibaka”, “Wag matakot, makibaka”
Paulit-ulit nilang sinisigaw ang mga katagang tumutuligsa sa kung anong kabulukan sa sistemang hanggang ngayon ay pinoproblema pa rin ng mamayan. Sigaw dito, sigaw diyan, taas ng mga plakard. Sabay martsa. May bata, may matanda, may dalaga, may binata, may babaeng may dalang anak, may batang sipunin. Hindi nila alintana ang matinding sikat ng araw at maging ang umuusok na kalsada. Mayamaya ay may dumaang trak binuksan ang likod ng trak at biglang naglapitan ang mga nagsisipagmartsa. Matapos mabigyan ng Burger at Palamig ay unti-unti na silang nawala.


Biyernes, Abril 8, 2016

Love Letter




Love Letter
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Hawak-hawak ni Kurt ang love letter na buong gabi niyang pinagpuyatan upang isulat tumayo siya at lumakad papunta sa harapan ng classroom kung saan nakaupo ang crush niya. Bawat hakbang ay hindi maipaliwanag ang kanyang nadarama. Ilang hakba pa ay iniabot na niya ang lave letter na naglalaman ng lahat ng nadarama niya. Ngumiti si Kurt.. pero kabaligtaran ang kanyang nakuhang sagot.


“Kurt! Ilang beses ko bang sasabihing hindi puwede tong ginagawa mo. Teacher mo ako at estudyante kita.”

Martes, Abril 5, 2016

Lukso ng Dugo





Lukso ng Dugo
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Mabilis kong tinawag ang nurse at pinakuha ko ng stretcher. Dali-dali nilang ibinaba ang aking ina sa Ambulansya na wala pa ring malay at duguan.
Pagsisissi lang ang nasa isip ko habang tumatakbo patungo sa Emergency Room. Kung hindi sana ako naging pasaway. Kung hindi ko sana s’ya nasabihan ng mga masasakit na salita. At kung hindi ko sana binalak lumayas, sana’y nasa maayos s’yang kalagayan. Sana’y hindi siya nabundol ng sasakyan noong tangkain n’ya akong habulin. Ngunit lahat ng iyon ay mga pagsisisis na lamang.
Biglang lumabas ang nurse sa Emergency Room.
“ Ma’am, kayo po ba ang anak ng pasyente?”
Tumango lang ako habang nakatulala.
“Maraming dugo na po kasi  ang nawala sa pasyente.”
“Handa po akong mag-donate, Type A po ako.” Mabilis kong sagot.

“Naku Ma’am, hindi po kayo kadugo ng pasyente.”

Lunes, Abril 4, 2016

Hayup-Hayupan




Hayup-Hayupan
Ni: Louie Ace Bulaong – Manalad

Ayoko talaga sa mga hayop. Ayoko ksai ng marumi, ayoko ng maingay. Ngunit wala naman akong magagawa ito ang propesyon na tinapos ko. Ito kasi ang gusto ni nanay.kaya nagayon haharapin ko na naman ang mga hayop sa Manila Zoo. Pagpasok ko pa lang maingay na sila. Ganyan sila, busog man o gutom. Huminto ako sa bandang gitna sabay sabing..


“Magandang Umaga Grade 8- Coconut!!”